APHS Basketball Team: Sa Likod ng Muli Nilang Tagumpay
“Lumipad ka na parang isang agila at bumaba na parang isang tuyong dahon…”
Minsan, sa buhay ng tao, dumarating ang mga panahong mararamdaman mo na ang mga suntok ng pagsubok, mga oras na maririnig mo na ang sigaw ng pakikipaglaban, at ang mga sandaling malalanghap mo na ang amoy ng tagumpay. Hindi mabibilang sa iyong mga daliri ang mga pangyayaring ikaw ay nagkamali, natalo at nabigo, lumagapak sa nakapanlulumong putik na ayaw maalis sa iyong katawan. Parang malas na hindi matanggal-tanggal. Ngunit nandiyan din naman ang mga kaganapan na kahit kaunti at madalang na mangyari ay pilit ka pa ding mapapangiti kapag ito’y iyong naalala. Para bang tumigil ang oras at ayaw mo ng tumuloy pa ito at pumatak na muli. At habang isinusulat ko ito, nakita ko sa aking isipan ang mga hindi malilimutang sandali ng ating paaralang ANGONO PRIVATE HIGH SCHOOL na pilit nakikipaglaban sa dinadanas na pagsubok habang nararanasan ang kabiguan at tinatamo ang mga tagumpay.
Noong nakaraang taon, alam naman natin na nanalo tayo sa iba’t-ibang patimpalak sa larangan ng basketball: sa APPSAA at sa RIPRISA. Kaya hindi na ako nagdalawang isip na gumawa ng write-up ng sabihan akong magsulat tungkol dito. Nabigo mang makapagpasa sa naunang issue ng gintong butil, hindi ko na sinayang pa ang pagkakataon na gumawa at ipagpatuloy ang aking nasimulan. Naisipan kong sumangguni na mismo sa captain na si Rizen Jared H. Perez at siyempre, sa nagturo sa basketball team na si Konsehal Ochick Natividad. Hindi naman nila ako binigo at marami akong nalaman tungkol sa tinuturing nating pinakamagagaling na player ng APHS.
“Ang kauna-unahang triangular meet ay naganap noong 1991(APHS, LAMAR, ANHS). Noon, walang “interschool” kung saan pumipili ng mga manlalaro pero ng dumating ang LAMAR ay tsaka pa lamang nagkaroon ng triangular meet. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbuo ng basketball team ang APHS kung saan isa ako sa mga player at ako ang “captain ball”. Ang kauna-unahang coach ay si Mr. Merlin. Doon naeksperyensiya at dinanas ng mga APHS players ang suporta ng lahat ng mga tao. Bagamat natalo at naging 3rd place lamang ang APHS nang natalo ng 1pt. sa LAMAR at 2pts. sa ANHS, hindi tumigil at nagkaisa ang ilang mga alumni ng APHS upang turuan ang mga sumunod na player ng batch ‘92, at pagkatapos noon, naging 2nd ang APHS na ang coach ay si Mr. Blanco. Sa pangunguna ni Dar Fundamiera, Dave Lagasca at Blancada nakarating sa palarong pambansa ang batch ‘92. Ang pagsusumidhi ng APHS na makuha ang kampiyonato ay hindi binigo ng batch ‘93 sa pamumuno ni Jeff Manota, Eric San Pedro, Christopher Santiago, Ricky de Guzman, Roberto Canales at Richard Ang. Nakuha ng APHS ang kampiyonato for the first time ng talunin nila ang ANHS at LAMAR at tumungo sila sa unit meet kung saan sila naging 2nd na kalaban ang higanteng taga-Morong. Lumipas ang 1994, sa importanteng hindi inaasahan pang kadahilanan ay hindi nagawang sumali ang APHS sa palaro. Muling sumali ang paaralan noong 1995-1996 at muli, sila ay second place sa pamumuno ni Diego, Mark de Borja, Kading Hernandez. Taong 1996 ay muling nag-2nd ang APHS sa pangunguna ni Jefferson Lopez, Tato Vocalan, Danny Ulidana at Sir Bobong. Taong 1998 ay muling hindi sumali ang APHS dahil sa mga pagkakataong hindi na maganda ang pamamalakad ng mga opisyal at ang pagsali ng mga “overage player” ay hayagan na. Taong 1999 ang simula ng tatlong sunod na panalo, grand slam. Taong 1999-2001, wala ng makapigil sa APHS dahil sa suporta at paghihirap ng lahat, kabilang ang mga guro’t estudyante. Sa pangunguna ni Leand Villamayor, Jap Dayag, Dennis San Pedro, Carlo Galang, Pablo Castillo, Ting Unidad, Jojo Solis, Joben Villamor, Wowie Chua, Renz Tengco, Joben Villamayor, Franklin Inclan, Carlo Crisostomo, Ayson Balajadia na ang coach ay si Sir Celso at si Sir Mario, sa panahon nila namayagpag ang sikat na sikat na triangle offense na ginamit ng Chicago Bulls, LA Lakers at Alaska. Dito rin pinakita na “grand slam” ang galing, talento at puso ng isang manlalaro ng APHS. Dito rin nagsimula ang malalim na “bonding” na itinuro at natatak na sa kaisipan na manlalaro sa pangunguna ni Sir Celso at ni Sir Mario. Dahil nga walang tumalo sa powerhouse na batch na kung lumamang sa mga kalaban ay hindi bababa sa 20 points, kahit malaki at may “over age” ang mga kalaban, nanaig ang pusong “private” na kahit ano ang mangyari, “KARANGALAN NG ISA, KARANGALANG NG LAHAT, KARANGALAN NG ESKWELAHAN”. Muling nagpaghinga ng isang taon ang APHS at RIPRISA lamang ang kanilang sinalihan na kung saan ay 2nd ang laging pwesto ng APHS dito. Batch 2003 ay naging usap-usapan na naman dahil nagkaroon ng muling kontrobersiya sa larong APHS at ANHS na walang champion, at ayon sa kanila, ito ay “tabla”. Batch 2005, muling nagpakita ng gilas ang manlalaro ng APHS kung saan sila ay nagchampion sa APPSAA at RIPRISA. Dalawang beses bumalik sa Marikina ang batch na ito na kung saan, dahil sa kapaguran ng dalawang beses na laro sa cainta at taytay, ay nagawang second lamang ang napanalunan. Ito ay sa pamumuno ni Brian Buluran, Popoy Gil, Ninel Perez, Daren Alterado, Jeremiah Lacap, Hildo San Jose at Bernard Villamarin. Batch 2006 ang sabay-sabay na pag-iyak ng mga manlalaro ng APHS na kung saan ang mga kalaban nila ay mga “over age” na naman na pinatunayan ito ng coach na si Dokdok. Sa halip ng mga pandaraya, nagpatuloy pa din ito sa pamumuno nina Alexis Crisostomo, Adrian Sabas, Mark Jaminit, Alvin Zamorra, Jed Reyes, Jeff Zabalza at Saldrin Valle. Batch 2007 muling hindi sumali sa APPSAA dahil sa pangyayari noong 2006. sumali sila sa STSBC na kung saan nakalaban nila ang San Mateo sa championship sa Binangonan Gym. Batch 2008, ang makasaysayang batch ngayon, ay muling pinatunayan na sa APPSAA man, RIPRISA man, ang APHS pa rin ang number 1. Ang batch na ito rin ang lumaban sa team A ng San Beda sa Marikina. Sila rin ang sumira ng pangarap ng Cainta na lumaban sa JSMJC para sa championship noong RIPRISA sa pamumuno ng “captain ball” na si Jared Perez, Gio Lasquety, Alexi Tamayo, Darwin Arpafo, Mark Perez, Dominique Asuque, Johnking Beltran, Richard Menor, Darren Roxas, Nicole Merced, Simon Reyes, Francis Barilea, Jowell Termulo, Gabby Bonifacio, Ner Palanca at Arnold Asis, na ang coach ay si Sir Seve Hector Matawaran. At ang ating tagumpay ngayon, Ang lahat ng ito’y hindi mapagtatagumpayan kung wala ang tulong ng mga alumni sa pamumuno ni Mang Abo , Kapitan Supay , Jonathan Orca, Melvin Castillo at lahat ng mga gum-raduate sa APHS at siyempre ang mga matiisin at mapagmahal na guro sa buong suportang ibinigay. Nagtulung-tulong ang lahat at umisip ng pamamaraan ang kada batch upang maging ganito katagumpay ang kasaysayan ng APHS Basketball Team. Maraming salamat sa inyo. ”
-The Man Behind the Scene, Ochick Natividad
Napakasaya sigurong maging kabilang sa manlalaro ng APHS di ba? Sa dami ng mga magagandang karanasan nila, siguro’y matatanong ninyo kung ano ba talaga ang buhay ng mga taong ito. Ang buhay nila sa likod ng kasikatan sa ilalim ng “ring”.
Ang buhay ng isang manlalaro ay may iba’t ibang kulay: masarap, mahirap at napakasaya.
Mahirap, dahil sa training na pinagdadaanan nila: nakakapagod, nakakaitim at kung minsa’y napipilayan pa at ang pinakaproblema? Nahihirapan silang mag-focus sa pag-aaral. Pero ang training na ito, mahalaga ang itinuturo sa kanila dahil dito nila natututunan ang pagpapahalaga sa Amang nasa langit, ang pamilya, ang edukasyon na pinakamabisang sandata sa kahirapan at ang pagpapaunlad ng pisikal na katawan. Masarap din ang kanilang buhay sapagkat nagiging kilala sila sa paaralan, parang sikat kung ituring at siyempre, masasabing “astig” dahil player eh. At masaya, dahil sa bonding na hatid ng samahan. At ang samahan na nabuo sa bawat isa sa kanila ay maituturing mong isang pagkakaibigan, na para bang magkakapatid na naninirahan sa ilalim ng isang bubong. Oo, ganoon nila kamahal ang bawat isa. Problema ng isa, problema ng lahat..pag may nagkamali, pagkakamali ng lahat. Araw-araw magkakasama, araw-araw magkakaakbay.
At ang pagsasamahang ito ay ang tanging nagbigay sa kanila ng karangalan. Hindi lang sa kanilang pagkapanalo, maging sa pagluha. Ang mga karangalan na nakamit ng lahat ng manlalaro, mabigo man sila o magtagumpay ay natatak na sa isipan at sa puso nila. Sa buong pagkatao nila, iisa kanilang ang pangarap, TAGUMPAY NG APHS. “Hindi lamang ang tagumpay ng pagkapanalo ang mahalaga, bagkos, ay ang tagumpay ng kapatiran na itatak sa kanilang isip, na ang basketball ay isa rin sa mga naging dahilan kung bakit walang puwang ang ipinagbabawal na gamot sa APHS player.” Sabi ni Sir Ochick. “Ang pagkatalo naman ay maituturing na panalo sapagkat kahit kailan lumaban ng parehas at hinding-hindi nandaya ang APHS. Tayo ay may pusong APHS kung kaya’t natanim na sa bawat isa ang tama at mali, paglaban ng parehas at hindi kailanman makapandaya sa kapwa.”
Matapos kong malaman ang mga bagay na ito, hindi ko lubos maisip ang dedikasyon at pagsasapuso nila sa larong ito. Oo, alam natin na ito ang pinakasikat at pinakanilalaro ng bawat tao sa mundo pero, sa mga sinbi sa akin ni Sir Ochick at ni Jared , masasabi kong ang basketball ay parte na ng buhay ng tao. Hindi man marunong tanungin mo’t nanonood naman. Siguro, isa itong larong hindi lang inimbento ng tao, kundi nilikha ng Diyos para sa tao. Sapagkat dahil sa larong ito, nalalaman ng tao ang mga mahahalagang bagay tulad ng pagiging mabuti dahil naiiwas sa masamang bisyo, pagiging makaDiyos, dahil sa Diyos sila lagi humihingi ng tulong kapag naglalaro at higit sa lahat, pagmamahal sa kung ano man ang pinakiibig mong ginagawa. At dahil sa pag-ibig na iyon, matututunan din natin ang tunay na kahulugan ng buhay natin. “Ang buhay natin ay isang laro, hindi mahalaga kung ikaw ba’y natalo o nanalo, ang mahalaga’y kung paano mo nilaro ang buhay na ito.”
Ito ang mga huling salitang sinabi ni Sir Ochick na tumatak sa aking isipan:
“Kung kaya’t lagi kong sinasabi sa mga manlalaro ng APHS: Lumipad ka na parang isang agila at bumaba ng parang isang tuyong dahon na ibig sabihin, anuman ang ating tagumpay at marating sa hinaharap, babalik at babalik tayo ng buong pagpapakumababa sa pangalang ating ipinaglalaban, ang APHS na nagturo ng lahat ng kaalaman, kabutihan at pagiging makadiyos. Mabuhay ang APHS Basketball Team! Natala na sa kasaysayan ang tagumpay ng lahat sa kabila ng init, hirap at pagod. Saksi ang newsite sa lahat ng kaganapang ito.”
“Karangalan ng isa, karangalan ng lahat, karangalan ng APHS…Tagumpay ng isa, tagumpay ng lahat, tagumpay ng APHS…”
Loading...
jm.. slamat..
sarimau’s view: welcome..pasenxa dahil nareject to sa nuggets..ngats..^^
Jared Perez - Hulyo 18, 2009 at 9:49 umaga
congrats ulit, aphs..di ka pa rin nagbabago..champion pa din..haha..nice..next tym ulit..^_^
sarimau - Setyembre 7, 2009 at 11:07 umaga