APHS 56th Foundation Anniversary sa Isang Naiibang Selebrasyon!
Taun-taon, ang isa sa mga pinakapansing selebrasyon ng ating paaralan ay ang kaarawan nito, ang pagdiriwang ng pagkakatatag nito. Sa apat na taon kong paninirahan dito, masasabi kong palaging may bago tuwing magse-“celebrate” tayo ng ating “foundation day”. At ngayong taon, hindi naman ako nabigo sa pag-iisip na hindi nawawalan ng mga bagong ideya ang eskwelahan para maging masaya at kakaiba ang bawat taon. At ano “highlight” ng pagdiriwang ng “foundation anniversary”? Makikita mo sa harap ng eskwelahan ang mga katagang “Medical, Dental and Optical Mission”.
Nagkaroon ng libreng pagamutan sa APHS Oldsite noong Enero 22, 2009. Bago nag-“celebrate” ang mga guro’t estudyante sa pamamagitan ng mga programang “mathematics fun day” na sinamahan pa ng “ginoong matematika 2009”, naisipan muna ng paaralang makatulong naman sa iba, lalo na sa ating mga kababayan sa Angono. Alam naman nating lahat na patuloy na humihirap ang buhay sa atin, ang pagbaba ng ekonomiya ng Pilipinas. Nakalulungkot mang isipin, ang mga mahihirap ay lalo pang humihirap. Kaya kahit ang libreng gamot at check-up lang ang naibigay natin sa mga nangangailangan, masasabing malaking tulong pa din ito para sa kanilang mga kapus-palad. Umaga pa lamang ay nandoon na ang mga guro at ang Student Council upang maghanda ng mga kakailanganin ng doktor at dentista sa gagawing operasyon na magsisimula na maya-maya pa. Kahit mala-intsik ang mga mata sa antok at parang lasing sa paglakad dahil sa kulang pa ang tulog, hindi nagdalawang isip ang lahat na magtulungan sa pag-aayos ng mga kwarto at pagdadala ng mga gamot. Idagdag mo pa ang lamig ng panahon kaya para tuloy kaming nanghihina habang naghihintay na dumating ang mga manggagamot at mga magpapagamot. Matapos maayos ang lahat ng kakailanganin ay payapa kaming naghintay. “Ayan, malapit na magsidatingan…” Sabi ng isang guro sa akin.
Maya-maya pa ay dumating na ang mga taong kailangan ng pagsusuri tungkol sa kanilang kalusugan. Dahil nga daw sa wala silang pera para magkaroon ng ”regular check-up”, hindi na sila nag-alinlangan pang pumunta. Bakit pa nila daw sasayangin ang pagkakataong ito? Ilan sandali pa’y dumating na rin ang mga doktor at dentista. Nandito na ang lahat, simula na ng pagtulong sa kapwa. Karamihan sa mga kumunsulta sa araw na iyon ay mga matatandang nanghihina na at mga batang mahina pa ang resistensiya. Makikita mo sa kanilang mga mukha ang kahit kaunting kasiyahan dahil malalaman na nila ang kanilang kalagayan ukol sa kanilang mga sakit.
Ang mga kwarto ay nagkaroon ng pagkakahati-hati ukol sa kung ano ba ang ipapa-“check-up” ng mga may sakit. Mayroon para sa cholesterol, sa sugar sa katawan, para sa mata, sa katawan, sa puso, sa ngipin sa buntis at isama mo na din ang sa mga buto sa katawan. Huwag mo ring kalimutan ang kwarto para sa libreng gamot. Halos lahat ng mga kwarto ay napuno ng mga pasyente. Makikita mo pa lamang sa mga listahan ng nagpakonsulta, marami ang naglagda ng kanilang mga pangalan. Naatasan ako na maging taga-tawag ng pasyente sa kawrto ng “FBS at Cholesterol”. Marami-rami din ang mga pasyenteng pumunta doon. Ito rin ang pinakahuling “nagsara” na kwarto dahil sa apat na doctor ang nandoon. Habang tinatawag ko sila isa-isa, bumakas sa aking isip ang awa. Makikita mo na minsan, may sumisingit, may nangunguna sa pangungunsulta. May mga nauuna. Mayroon din namang parang nanghihinayang sa oras dahil pang-tatlumpu’t anim pa at panglabing-isa pa lamang ang nache-“check-up” ng doctor. May isang matanda akong nakausap na makikita mo ang kakulitan sa kanya. Bawat pasyenteng natatapos ay nagtatanong siya sa akin, “Noy, ako na ba?” Nahihiya mang sabihin ngunit nasabi ko na lamang na “Malapit na po kayo, Nay.” At nang dumating na ang “turn” ni lola ay ayun, natuwa siya at pagkatapos ay nagulat ako sa sinabi niyang “maraming salamat Noy.” Ako’y nakaramdam ng pagtataka dahil wala naman akong nagawa para sa kanya. Nasabi ko sa aking sarili na dapat ay sa mga doctor siya nagpasalamat. Nakaramdam din ako ng saya dahil kahit papaano’y naramdamn ko namang natulungan ko siya kahit sa maliit na paraan.
Ang sumunod na mga oras ay parang bumagal, parang tumigil dahil nag-iba ang pakiramdam habang tumutulong ka sa ibang tao. Kahit sabihin mong ikaw ay isa lang sa mga taga-tawag lang ng susunod na pasyente, taga-bili lang ng mga gamit ng mga doktor at taga-dala lang ng mga kung anu-ano pang bagay sa bawat kwarto, iba pa din ang feeling ng may nagawa ka sa kapwa mo. Kahit maliit lang ay malaki na ang epekto nito sa kanila. Tumagal ng ilang oras ang operasyong iyon at nakita ko naman sa mga mukha ng mga doktor ang pagiging bukal sa loob nila upang tumulong sa ibang tao kahit masasabing walang kaukulang kabayaran ang ginawa nila noong araw na iyon. Wala rin akong masasabi sa mga guro at estudyante na nandoon. Nang matapos ang “medical mission” ay mababakas sa mga mukah naming lahat ang kasiyahan (Isama mo na din ang pagbibiro ni ma’am fabro na nagtanong kung bakit wala daw “mental” mission na naganap
).
Ang kasiyahan ay hindi lang dulot ng pagtulong sa kapwa, ito rin ay bunga n gaming pagtutulungan sa araw na iyon. Nang dumating na ang oras ng pagpapaalam sa mga doctor at uwian naming lahat, bigla akong kinalabit ng aking isipan at binulong niya sa akin ang mga katagang ito:
“Ang pagtulong sa ibang tao ay hindi lang para may mangyari rin sa iyong maganda, hindi paghingi ng magagandang para sa sarili mo, hindi para sa pansarili mong intensiyon. Ito din ay pagbibigay sa iyo ng isang napakagandang regalong kailanman ay hindi makukuha sa iyo ng iba, ang kasiyahan. Ibang-iba ang kasiyahang ito. Hindi maihahalintulad sa kahit anong bagay.”
“Ang pagtulong sa kapwa ay hindi rin nasusukat. Maliit man o malaki ang nagawa mo para sa kanya, hindi iyon mahalaga. Ang mahalaga ay ang salitang ”tumulong”. Wala ring bilang ang makapapantay sa paggawa ng mabuti sa kapwa. Basta ang mahalaga ay patuloy ka sa paggawa ng mabuti, patuloy ka sa pagtulong sa kanila.”
“At ang pinakamahalaga sa lahat, sa mata ng Diyos, pantay-pantay ang lahat ng tao. Bakit ko nasabi ito? Dahil ginawa Niya tayong lahat upang magtulungan, upang makita natin na kailangan natin ang bawat isa. Walang mayaman kung walang mahirap na matatawag. Walang mahirap kung walang mayamang maituturing. Ang bawat tao’y ginawang kamukha ng Diyos kaya dapat tayong magtulungan at ang “medical mission” na ito ay isa lang sa pagpapatunay na tunay ngang nagtutulungan ang mga taong likha niya. Mayaman man ang mga doktor ay hindi sila nandiri sa mga katawan ng mga mahihirap. Ang pagiging bukal sa loob ang kailangan ng bawat isa. Sa araw na iyon, maituturing kong isa iyon sa hindi ko malilimutang araw ng “buhay hayskul” hindi lang dahil sa noon ko lamang naranasan iyon kundi pati na rin dahil sa noong araw na iyon, ako’y nakatulong sa aking kapwa.
Loading...